Archival Entry No. C-41539

Disyembre 1, 1899

Sa aking pinakamamahal na Clarita,

Ako ngayon ay nagsusulat sa ilalim ng kalangitan at ang buwan at mga tala lamang ang tanging tanglaw sa pagsulat nitong liham ko sa iyo. Kamakailan pa lamang ay dumaan ang aming kawal sa bayan ng Concepcion at naghukay kami ng mga trinsera sa isang mataas na burol. Dito namin hihintayin ang mga kalaban. Hindi ko alam kung matataboy kami muli. Malapit na kami sa dulo ng Ilocos at wala na kami pang mauurungan. Nangangamba ako Clarita.

Hindi ko alam kung paano ko itutuloy ang ang liham na ito. Siguro mainam na ituloy ko ito sa tanging katotohanan na nalalaman ko. Itutuloy ko ito sa pagsabi na iniibig kita. Iniibig kita sa aking pagkagising sa umaga at iniibig kita sa aking paghimlay sa gabing maginaw at madilim. Iniibig kita sa bawat sandali na ang aking puso ay tumitibok at kapag ang aking hininga ay tumitigil at malagutan, ang salitang sasambitin ko ay iyong pangalan. Irog ko, sana ay magkaroon pa ako ng panahon upang makita muli ang kislap ng iyong ngiti at ang ningning ng iyong mga mata.

Habang sinusulat ko ito, lumabas na ang mga alitaptap. Ang kanilang mga ilaw ay bumubungad sa mga dako ng aking paningin. Ang kanilang paglilipad sa aking harapan ay nakakabighani. Napatigil ako ng sandali dahil sa kagandahan ng eksenang ito. Naisip ko tuloy na pagkatapos ng labanang ito ay dadalhin kita dito at ipapakita ko ang mga alitaptap na ito.

Alam mo ba kung bakit daw umiilaw ang mga alitaptap?  Sabi ng mga matatanda ang ilaw daw ng alitaptap ay isang tawag sa mga kanilang mga iniirog. Sa umaga, iniipon nila ang mga sinag ng araw at pagkagabi ay nililiyaban nila ang kanilang mga sarili upang mahanap sila ng kanilang mga minamahal, ang apoy nila ay nagsisilbing gabay sa gabing nangangamba at nandidilim. Nang dahil sa apoy na kanilang taglay, nauupos ang kanilang mga katawan at ang kanilang pagkikita sa kapwa alitaptap ay nagiging maikli at may halong tamis at pait. Ngunit kung aking iisipin, maliit na bagay lang ito. Madali kong iaalay ang aking sarili at handang ipakain ang katawan sa liyab ng pag-ibig, masilayan lamang ulit kita.

Naalala ko tuloy yung una nating pagkikita sa

[words obscured by blood spatter and a bullet hole. Three paragraphs are missing and cannot be reconstructed]

at puntahan mo ang puno ng betis kung saan inukit ko ang mga pangalan natin.

Kung ito man ang aking huling liham sa iyo, isa lang ang aking kahilingan. Huwag mo sana akong kakalimutan ngunit kapag ang puso mo ay makakahanap ng ibang mamahalin, diligan mo lang nang tatlong patak ng iyong luha ang aking huling hantungan at mapapanatag na ang aking kaluluwang lagalag.

Nagmamahal,

Diomedes

anghulinghugutero

Advertisements

8 Comments

Add yours →

  1. mahusay naman pala sa Tagalog eh. may kasunod ba ito? sasagot ba si Clarita?

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: