Ulan

Dati gustong gusto ko ang umuulan. Noong bata kasi ako, nawawalan ng klase pag may ulan. Bubuksan ko ang telebisyon, tapos hihintayin ko na na sabihin na walang pasok. Tapos matutulog na ako ulit dahil ang sarap sarap ng pakiramdam ng matulog pag umuulan. Naririnig mo lang iyong mga patak ng ulan sa bubong parang pumapayapa na yung puso mo. Walang problema. Walang iisipin.

May nabasa ako dati. Nabasa ko na hindi daw naman talaga nakakadulot ng sakit iyong mabasa ka ng ulan. Mas nagkakasakit ka pag nakipagkumpulan ka mga tao na umiiwas sa ulan. Sinubukan ko yun. Naglalakad ako sa ulan tapos titingnan ko kung magkakasakit ako. Pinapagalitan ako ng tatay ko kasi nga nababasa ako palagi pag umuulan. Pero hindi naman ako nagkakasakit. Totoo pala. Simula noon ako lang ang bukod tanging kilala ko na walang takot na sumugod sa ulan.

Tapos idolo ko noon si Victor Frankenstein. Hindi  siya yung halimaw. Siya yung gumawa ng halimaw. Kapag umuulan naglalakad siya ng mag-isa. Nakakapagisip isip siya ng malalim. Mag-isa. Walang kasama. Walang maingay. Minsan kailangan mo talaga iyon. Iba rin kasi yung pakiramdam ng ulan. Para bang nalilinis ka. Parang yung mga agiw sa utak mo nalilinis tapos nakakaisip ka.

Umuulan nung una tayong nagkita. Sa totoo lang, unang araw palang may gusto na ko sa iyo. Yung tawa mo kasi, sobrang nakakagaan ng loob. Saka kahit ilang beses mong sabihin na hindi ka maganda, sasabihin ko sa iyo na sobrang ganda mo.

Isang araw nakita kitang kumakain ng walang kasama at dahil nga gusto kita, sinamahan kita. Natural naman sakin ang makipag usap ng kahit kanino kaya kinausap kita. Nalaman ko na may boyfriend ka na pala. Okay lang sa akin dahil wala naman akong intensyon na ligawan ka. Nalaman ko rin na magkalapit pala tayo ng inuuwian. Isang araw tinanong ko sa iyo kung gusto mong sumabay umuwi. Ang saya ko nun ng sumabay ka sa akin. Para akong nanalo sa lotto.

Pagkatapos nun pag wala kang sundo, sumasabay ka na sa akin. Naging malalim ang pagkakaibigan natin. Pag may problema ka, ako kaagad ang kakausapin mo. Tapos buong gabi lahat nalang gagawin ko para palakasin yung loob mo. Hindi kita papayagan na matulog ng umiiyak at walang nakikinig sa iyo.

Isang araw,  nagkamali ako na sabihin na may nararamdaman ako para sa iyo. Nagbago na lahat nun. Hindi mo na ako kinakausap.  Hindi mo na ako yinayaya lumabas.  Hindi na ako yung kaibigan na pinupuntahan mo pag may problema. Ang sakit ng pakiramdam ko noon. Wala naman akong karapatan na masaktan, ngunit ang sakit sakit sa puso ng ginawa mo.

Umuulan noon nung tinawagan mo ulit  ako. Umiiyak ka noon tapos sabi mo break na kayo. Hindi ko alam kung ano sasagutin ko pero buong araw nakinig nalang ako sayo. Gustong gusto ko na tumahan ka na. Gustong gusto ko na puntahan kita at yakapin. Ang dami ng gusto kong gawin para sa iyo pero hindi ko magawa.

Bumalik yung dati nating pagkakaibigan. Buong araw kahit nasa trabaho ako nag uusap lang tayo sa internet. Kinukuwento mo yung araw mo sa akin. Kinukuwento ko yung araw ko sa iyo. Pag nalulungkot ako nagpapasaya sa iyo. Pag nalulungkot ako, ikaw ang nagpapasaya sa akin.

Isang araw kinuwento mo sa akin noong nahuli ka ng malakas na buhos ng ulan. Basang basa ka nun. Ako naman tawa ng tawa ng pinakita mo yung litrato mo sa akin.

May isang araw din na ipit ka sa traffic.  Sa sobrang lakas ng ulan bumaha yung kalye. Hindi ka makauwi nun. Buong gabi hinintay kita ng makauwi ng maayos. Buong gabi hinintay ko na sabihin mo na nasa bahay ka na at ligtas. Alalang alala ako dahil lampas alas dos na hindi ka pa rin nakakauwi. Nung nasabi mong nakauwi ka na, doon lang ako nakatulog ulit.

Isang araw nalang bigla mo nalang ako na di kinakausap. Ginawa mo ulit yung ginawa mo sa akin noon. Hindi ko alam kung may ginawa ako ulit na mali. Kung masakit ang ibitin ka sa ere, mas masakit kung pumayag kang gawin ulit yun sa iyo. Alam mo yung kanta ni Michael V na Sinaktan Mo ang Puso Ko? Yun eksakto ang nararamdaman ko. Yung bang nagiging pisikal nayong sakit ng puso mo at ang bigat bigat ng nararamdaman mo?

Umuulan nung gabing huli tayong nagkita. Nakita kita. Ngumiti ako sa iyo at ngumiti ka rin sa akin. Pero hanggang dun lang ang tagpuan natin. Wala na.

Ngayon ayaw ko na ng ulan. Kasi gusto ko ng makalimutan ikaw pero naalala kita pag umuulan.

Umuulan nanaman. Tama na. Hindi ko na kaya.

Advertisements

2 Comments

Add yours →

  1. Grabe, bumuhos na. Bumuhos na yung emosyon.

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: